Patuloy ang paglaban para sa lubusang pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng Maguindanao Massacre!

Sa isang lipunang pinupupog ng matinding pag-atake ng reaksyunaryong gubyerno na nagpapataw ng mga sari-saring militaristang patakaran tulad ng MO32, EO 70, NTF-ELCAC at AFP-PNP Joint Campaign Plan Kapanatagan hindi na nakapagtataka na ang pagmamalupit na dinaranas ng mga ordinaryong mamamayan ay danasin din ng mga kagawad ng midya.

Nananatiling hungkag ang kalayaang magpahayag sa bansa. Ito ang kalunus-lunos na reyalidad ng midya at mamamayan sa buong Pilipinas. Patunay dito ang Maguindanao Massacre, 12 taon na ang nakararaan. Bagama’t naibaba na ang hatol ng parusa laban sa mga kriminal na may kagagawan nito, nagpapatuloy pa rin hanggang sa ngayon ang paghanap sa iba pang mga salarin sa karumaldumal na krimen. Nananatili pa rin ang kalupitan at karahasan sa hanay ng mga mamamayahag kung kaya’t nakahanay ang Pilipinas bilang ikapito sa mga pinakamapanganib na bansa para sa mga mamamahayag.

Dito sa Kabikulan, dama ng mga Bikolanong tagapamandila ng malayang pamamahayag ang dahas na ipinapataw sa kanila ng pasistang rehimen ni Duterte. Ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), mula Hunyo 30, 2016 hanggang Abril 30, 2021, nasa 223 na ang naitalang pang-aatake at pananakot sa mga kagawad ng midya. Labingpito rito ay sa rehiyon ng Bikol. Sa ganoon ding panahon, naitala ang 19 na pampulitikang pamamaslang laban sa mga media practitioners. Sa Bikol, limang mamamahayag na ang pinaslang mula taong 2016 hanggang sa kasalukuyan. Si Larry Que na pinaslang noong Disyembre 2016 sa Catanduanes, Joaquin Briones ng Masbate na pinatay noong Marso 2017, Joey Llana ng Zagitsit FM noong 2018 sa Albay, Jobert “Pulpog” Bercasio noong Setyembre 15, 2020 sa Sorsogon at Pastor Ronnie Villamor ng DYME na pinaslang naman noong November 14, 2020 sa Masbate.

Ang pinakabagong kaso ng panggigipit sa lokal na Bikolanong midya ay sinapit ngayon ng Zagitsit FM station sa Albay, nang ipasara ang FM station nito noong unang linggo ng Nobyembre 2021. May kaso ring nakarating sa tanggapan ng NDF-Bikol tungkol sa ilang Bikolanong mamamahayag na kinailangang magtago matapos manmanan at makaranas ng panghaharas sa kamay ng militar matapos nilang tanungin ang mga berdugo kung paano nila kinakategoryang sumusuporta sa NPA ang mga sibilyan at komunidad na sinasakyada. Sa matinding takot ng militar sa mapanuri at kritikal na pag-iisip ng mga Bikolanong midya, lantaran na silang gumagamit ng dahas at pananakot upang busalan ang mga mamamahayag. Ilang lokal na istasyon din ng radyo at iba pang media outlets ang nagpaabot sa NDF-Bikol na lantaran silang pinagbabawalan ng National Telecomunications Commission na mag-ulat at i-ere ang panig ng mga rebolusyonaryong organisasyon dahil bawal umano siraan ang gubyerno. Iniuutos ito ng berbal ng nasabing kumisyon sa mga kagawad ng midya na nais lamang ipatupad ang malayang pamamahayag at ang Journalists’ Code of Ethics, kung saan dapat maipakita ang magkabilang panig ng anumang usapin.

Ngunit ang dahas ay hindi nagdudulot ng takot. Higit lamang nitong pinalalakas ang loob at pinatitindi ang paglaban ng mga mamamahayag para sa kanilang karapatang patuloy na isiwalat at ipaalam sa mamamayan ang katotohanang hatid ng bawat balitang kanilang isinusulat at ibinobrodkas. Lalo lamang nilang pinahigpit ang pagpapatupad sa propesyong tumutulong maging daluyan ng mga karaingan ng bawat inaaping mamamayan. Ang patuloy na paglaban upang makamit ang lubos na hustisya sa laban ng Maguindanao Massacre ang patuloy na isinasadiwa ng bawat mamamahayag sa paggampan ng kanilang dakilang gawain.

Sa araw ng paggunita sa ika-12 taong anibersaryo ng Maguindanao Massacre, nagbibigay pugay ang NDF-Bikol sa lahat ng mga namartir na kagawad ng midya at mga makabayang Bikolanong mamamayahag na patuloy na nakikibaka at hinaharap ang panganib na dulot ng isang pasistang rehimen. Asahan ang patuloy na suporta at pagtangkilik ng NDF-Bikol at ng mamamayan sa matapang at matapat na paggampan ng mga tungkulin. Katuwang nila ang nakikibakang mamamayan sa pagkamit ng isang malaya, mapagpalaya, makatarungan at masaganang lipunan.

Leave a comment