Opisyal na Pahayag ng Balangay Emmanuel Cortez sa Anibersaryo ng Kabataang Makabayan

Sa gitna ng mga atake, pagsupil, at pagtatangkang gapiin ang digmang bayan sa Timog Gitnang Luson at sa buong bansa, buong-lakas at ibayong katatagan na pinagdiriwang ng KM-TGL ang ika-57 anibersaryo ng Kabataang Makabayan!

Sa araw na ito, inaalala at pinagpupugayan rin ng KM Timog GL ang buhay na inialay sa sambayanan ng mga rebolusyonaryong martir ng Timog GL ngayong taon na si Ka Boy; gayundin kina Ka Oris, Ka Parts Bagani, at lahat ng mga bayani ng masang api! Nararapat na gawing sandigan at inspirasyon ng mga kabataan ng Timog GL ang kanilang ubos- kayang pag-aambag para sa tagumpay ng digmang bayan.

Tanda ang bawat buhay na kanilang inialay sa bayan ang bawat daang hinawan para sa bawat bagong rebolusyonaryong iniluluwal ng lumalala at lumalaganap na krisis at kahirapan ng sambayanan. Anuman ang hamon, takot, at kahirapan na bumabalot sa masukal na daang tinahak ng bawat isa, nananatili ang nag-aalab at mapanlabang diwa sa bawat kadre at bawat komunista na hindi bumibitaw sa prinsipyo at patuloy na tinatanaw ang tagumpay na hatid ng bukas.

Mga kabataan, isulong at ipagwagi ang rebolusyon ng masang api!

Itinutulak ng kainutilan at kabulukan ng kasalukuyang sistema ang mga kabataan na magrebolusyon

Kinakaharap ng mga kabataan sa ilalim ng rehimeng Duterte ang kinabukasang puno ng kawalan ng katiyakan. Dulot nito, kabi-kabila ang kanilang paghahagilap ng daan paano makakalampas sa kasalukuyang krisis. Hinahamon ng nagpapanalubong na krisis sa ekonomya, pulitika, kalusugan, at edukasyon ang mga kabataan na tumindig Sa gitna ng kadilimang bumabalot sa lipunan na nagbabanta sa kanilang kinabukasan.

Ang lumalalang kahirapan, kagutuman, at kawalan ng hustisya ay lalong nagtutulak ngayon sa mga kabataan na sa gitna ng lockdown at restriksyon, ay magkaisa at tumindig upang pandayin ang daluyong ng nagpapanibagong lakas na nagsusulong ng tunay na pagbabagong panlipunan. Tumining at lalong naging katanggap-tanggap na sa gitna ng nagpapanalubong na krisis, makatwiran ang paghanay ng mga makabayang kabataan sa masang anakpawis sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan na syang magpapawi ng kasalukuyang pagdurusa ng mamamayan.

Ang nagpapanagpo at papalalang krisis ng bansa at ang krisis sa sistemang pang-edukasyon.

Isinawalat ng pandemya ang marupok na pundasyon ng isang malakolonyal at malapyudal na lipunan. Ang halos dalawang taong kawalan ng substansyal at makabuluhang tugon sa pandemya ay naglantad sa inkapasidad ng kasalukuyang sistema na tugunan ang kagyat na pangangailangan ng mamamayan. Pinadapa at halos gumuho ang serbisyong panlipunan ng bansa na bago pa man ang pandemya ay biktima na ng sistematikong pag-abandona ng pamahalaang nakasuso sa mga neoliberal na patakaran sa ekonomya at pamamahala.

Ang krisis sa kalusugan sa mga nakalipas na buwan ay ibayong naglantad sa kainutilan ng rehimen at ang pagtanggi nitong tiyakin ang kapakanan ng mamamayan. Habang ang ibang mga bansa ay unti-unti nang nakakaalpas sa pandemya at tapos na serye ng lockdown, tila pokus ng kriminal na pagpapabaya ng rehimen na patagalin pang lalo ang pagdurusa ng mamamayan at imaksimisa ito upang patuloy na makapaghari at makapagkamal ng yaman.

Sa gitna ng pandemya, maluwag na napalusutan ng rehimen ang pangungutang ng – trilyong piso. Hindi pa kasama rito ang kabuuang -trilyong pisong ayudang natanggap mula sa among Kano at Instik. Pero, sa kabila nito, hindi ito naramdaman ng naghihingalong Pilipino na pinagsarhan ng mga ospital at pinagkaitan ng oxygen tanks. Sa bisa ng emergency powers na pinagkaloob sa sarili, lalong napagtibay ni Duterte ang pribilehiyong ikonsolida ang kapangyarihan sa kanya. Dahil dito, madulas nyang ininstitusyonalisa ang pasismo, malaganap na korapsyon at mga kwestyunableng transaksyon upang paburan ang mga kroni at kapwa sindikato.

Isang malaking sampal sa mga manggagawang pangkalusugan at naghihirap na Piliipino ang korapsyon sa gitna ng pambansang krisis. Ang desperadong pagsagip ni Duterte sa mga korap na opisyales at negosyante na nagtatago sa kanyang mayabang na pananalita at paghahamon sa mga katunggaling senador ay lalong nagtutulak sa mamamayan na tuluyang mawalan na ng kumpyansa at tiwala sa kanyang rehimen. Habang nagpapakahirap ang mga doktor at nars sa pagsagupa Sa virus at pagpasan sa kanyang kapalpakan, ininsulto pa ng pamahalaan ang mga ito sa barya at mumong sahod kapalit ng kanilang sakripisyo at maging sariling buhay.

Kaya nga kahit anong pagmamayabang na de kalibre ang tugon ng pamahalaan sa pandemya, hindi ito kayang pagtakpan ng direktang danas ng mamamayan sa kanyang kapabayaan at kapalpakan. Nananatili pa ring atrasado ang kapasidad ng bansa sa testing at tracing habang ang rolyo ng bakuna ay napakakupad at nananatiling nakaasa sa donasyon ng dayuhan. Dahil dito, malayo pa sa hinagap na makamtan ngayong taon ang pangarap na herd immunity. Sa kabila nito, kakatwang batbat pa ng usapin ng VIP testing at vaccination sa gitna ng pagkukumahog ng mamamayan na makaraos at maging ligtas at buhay.

Sa gitna ng malawakang pagkakasakit at pangangamatay ng mmamamayan, sadyang hinulog pa ng rehimen sa kumunoy ng dausdos na ekonomya ang sambayanang Pilipino. Dahil dito, mayorya ngayon ay hindi na magkamayaw paano makakaahon sa krisis sa kabuhayan, kahirapan, at kagutuman.

Kahit pa konsistent na ginagamit na iskrip ang pilit na pagbabangga sa sektor ng kalusugan at ekonomya upang lusutan ang kapalpakan, malinaw na alinman Sa isa ay walang nilutas ang kanyang administrasyon. Ang patuloy na pagtuon sa militaristikong lockdown ay nagresulta ng malawakang tigil operasyon at pagsasara ng mga negosyo at serbisyo na dumulo sa pagkalugi at tanggalan sa trabaho. Pero, imbes na maglaan ng pondo upang ayudahan ang maliliit na mga negosyante at mga manggagawang nawalan ng kabuhayan, inabandona sila ng pamahalaan at tanging mga dayuhan at malalaking korporasyon lang ang inalalayan at sinuportahan.

Kakarampot na nga ang nilaang pondo para sa Bayanihan 1 at 2, 113 Bilyon pa ang naitalang hindi napamahaging ayuda sa mamamayan. Samantala, niratsada rin sa gitna ng pandemya ang CREATE Law na ibayong nagbigay ng luwag sa pagbubuwis sa mga bilyonaryong mga negosyante. Taliwas ito sa mga pahayag ng pabayang pangulo na walang pondo para sa mass testing at pagpapaunlad ng contact tracing gayong tinahak pa nito ang 250-bilyong pisong pagkalugi dahil sa pinasang tax reduction.

Naiwan ding nagdurusa ang mga lokal na magbababoy na biktima ng kawalan ng komprehensibong tugon sa pagkalat ng African Swine Flu. Imbes na ayudahan, pinatay pang lalo ng rehimen ang lokal na produksyon ng baboy matapos gamiting pagkakataon ito upang ibayong magluwag sa importasyon. Dulot nito, umabot na mas mahal pa ang presyo ng kilong baboy kaysa sa arawang sahod ng manggagawa.

Patuloy ring sumisirit ang presyo ng abono at pestisidyo habang sumasadsad ang presyo ng palay dahil sa patuloy na paggulong ng Rice Tarrification Law. Buhat nang naisabatas ang panukalang ito, lalong pinatay ng pamahalaan ang lokal na produksyon ng bigas sa bansa. Samantala, kasabayan din nito ang todo-largang importasyon ng isda lalo ang bangus at galunggong na nagresulta sa malawakang pagkalugi ng mga akwakultura at ng maliliit na mangingisdang nakaasa sa mga munisipal na pangisdaan.

Dahil sa kriminal na pagpapabaya ng pamahalaan sa pandemya at taon-taong mga bagyo at sakuna sa bansa, sumadsad ang ating lokal na produksyon habang sa kabilang banda ay sumisikad ang agresibong importasyon ng dayuhan. Ang kataksilang ito ay nagluwal ng mas malaking tubo ng dayuhan at iilang lokal na kumprador habang kakarampot hanggang papalugi ang mga lokal na prodyuser at wala na halos kayang bilhin ang mga konsumer.

Tapat sa kanyang litanyang walang pakialam kung maghihirap ang mga Pilipino, kibit- balikat pa ang rehimeng Duterte sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Ang dapang sektor ng manupaktura, serbisyo at agrikultura ay lalong binubusabos ng pagsirit ng presyo ng krudo, pamasahe, at batayang mga bilihin. Sa dikta ng patakaran Sa deregulasyon, excise tax na dulot ng TRAIN Law, at VAT na panukala pa ng rehimeng Arroyo, walang habas na nagkakamal ng tubo ang mga kumpanyang may monopolyo sa langis kahit pa sa gitna ng pandemya.

Sa kabila ng lahat ng ito, nananatiling pusong bato ang rehimen sa lehitimong daing ng mga Pilipino. Sa halip, nakatuon ang kanyang pamahalaan sa kabi-kabilang huwad na proyektong pang-imprastraktura na walang idinudulot sa mamamayan kundi banta sa kabuhayan, panirahan, at kalikasan. Sa pag-aakalang matatakpan ng nagtatayugang building, bagong kalsada, at tren ang kanyang paglustay sa kaban ng bayan at pagmamalabis sa kapangyarihan, sinasaid ni Duterte ang natitirang araw sa trono sa paghahadali ng mga proyektong itinaguyod ng pangungutang at pagsuko sa soberanya ng bansa. Malawakang kumbersyon ng lupa, reklamasyon ng pangisdaan, at kaliwa’t kanang banta ng demolisyon ang kinakaharap ngayon ng mga magsasaka, mangingsda, manggagawa, at maralita. Lahat ng ito ay alang-alang sa pamumuhunan at supertubo ng mga dayuhan at kakuntsabang burukrata kapitalista, lokal na burgesya kumprador at panginoong maylupa.

Malinaw na pinatunayan ng pabayang rehimen na walang alwan siyang ibibigay sa mega Pilipinong pinangakuan nya noon ng pagbabago. Sa halip, ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong nawawalan ng kabuhayan at ng makakain ay patunay kung para kanino tunay na nagsisilbi ang kasalukuyang sistemang pinangangalagaan at pinapagtibay ng kanyang administrasyon. Kung mayroon mang napala ang kawawang Pilipino, ito ay ang pagsambulat sa kanila ng hindi na maitatangging katotohanan – magkakawing at magkadugtong ang pinapasang krus ng bayan sa pandemya, bagsak na ekonomya at politika ng kamay na bakal ni Duterte.

Ang sadyang pagtanggi na ayudahan ang mamamayan at sistematikong resolbahin ang pagkalat ng virus habang tuloy-tuloy ang pagpatay, pananakot, at initimidasyon ay malinaw na aktwalisasyon ng kalam ng sikmura ng rehimeng kontra-mamamayan. Lalo pa ngayong nalalapit na ang eleksyon, ibayong isasantabi na ng pabayang rehimen ang kapakanan at karapatan ng mamamayan. Pangunahing prayoridad na nito ang pag-atupag sa pagtiyak ng dayaan sa eleksyon at pagkapanalo ng kandidatong susuporta at poprotekta sa kanya at syempre pa, ang paglalatag ng kundisyon para sa pinakasagad na opsyon nyang magdeklara ng batas militar upang ikopo ang Malakanyang.

Sa ganitong gana, talagang walang kawala ang mabuway na kinabukasan ng mga kabataan. Kaya naman, nagluluwal ito ngayon ng kanilang masidhing diskontento at disgusto sa kasalukuyang sistema na walang pangako ng maginhawa at makataong bukas.

Dahil sa hindi nireresolbang krisis sa ekonomya, kalusugan, at politika, nananatiling nakakandado ang mga eskwelahan. Lampas isang taon nang sapilitang nakakulong ang mga kabataang estudyante at mga guro sa palpak na iskema ng distance learning, pero nananatiling walang substanyal na hakbang ang pamahalaan para muling buksan ang mga paaralan, tiyakin ang karapatan sa edukasyon ng mga kabataan, at tugunan ang krisis sa kabuhayan ng mga guro at kawani.

Bagamat napatunayan na ng isang taong kalunos-lunos na danas ng mga estudyante at guro sa distance learning na hindi sapat ang tugon at kalinga ng pamahalaan sa sektor, buong-yabang pa nitong isinubo ang mga paaralan sa isa na namang taong pang-akademiko ng katulad na iskema. Nang walang pagtatasa, pagsusuma, at pagpapaunlad ng isang taong resulta ng distance learning, muling inabandona at Sapilitang ipinapasan sa mga estudyante, guro, at kawani ang moda ng edukasyon sa gitna ng pandemya. Sa kasalukuyang fiscal budget, walang puwang para Sa ayuda at balik-eskwela ang inilaan ng pamahalaan. Kakatwa na magpapatuloy pa rin hanggang Sa Susunod na taon ang naturang prayoritasyon sa pondo matapos kaltasan ang 112 pampublikong pamantasan, CHED, at DepED.

Dahil sa pag-abandonang ito at ang pangambang magpapatuloy pa ang krisis sa edukasyon, tinatayang 6 na milyong kabataan na ang huminto sa pag-aaral. Matindi rin ang epekto ng krisis sa sektor sa mental at sikolohikal na aspekto ng mga kabataang estudyante. Sa gitna ng pandemya at pagpapatuloy ng pahirap na distance learning, na lampas tatlumpu ang bilang ng mga estudyanteng pinaslang ng iskemang ito.

Pinalala ding lalo ng kapalpakan ng pamahalaan sa pagtiyak ng karapatan sa edukasyon sa gitna ng pandemya, ang malaon na’t matagal na atrasadong kalidad ng pagkatuto. Hindi natatawaran ng pagtatambak ng academic requirements ang dunong na kahit papaano ay nalilimos sa harapang pagkatuto. Bukod pa, lalong tumingkad ang kalakaran ng edukasyon na nakakahon sa malabnaw na compliance habang nabitawan na ang kalidad ng pagkatuto at makabuluhang proseso ng kaalaman.

Ilusyon lang din ang sinasabing pamimilian para sa mga estudyanteng iba-iba ang kapasidad at kakayahan na makapagtuloy ng pag-aaral. Ang kasalatan sa subsidya para Sa gadgets, internet, at module production ay labis na nagpalala ng elitista at diskriminatori na oryentasyon ng edukasyon. Dahil dito, marami ang naiwang mga kabataang maaga pa lamang ay pinangakuan ng pabayang rehimen ng aksesibol at de kalidad na edukasyon para sa lahat.

Sa kabila ng pinagmamayabang na batas para sa umano’y libreng edukasyon, ang huwad na panukalang ito na sumalubong sa pandemya at distance learning ay nagpalobo sa bilang ng mga kabataang napagsarhan ng tarangkahan ng mga paaralan. Ang paglala ng krisis sa edukasyon ay kaakibat ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga naabandonang mga kabataan. Kung mahirap nang makapasok sa mga eskwelahan dahil sa elitistang proseso ng admisyon, papaliit naman ang butas ng karayom para makapagtapos at makakuha ng diploma lalo sa gitna ng pandemya.

Ito, kasama pa ang usapin sa kabuhayan, kalusugan, at panirahan ng mga kabataan at kanilang pamilya ang araw-araw na kumokompronta sa lahat. Ang kawalan ng makakamtang pag-asa sa kasalukuyang kaayusang panlipunan ay nagdudulot ng masidhing pagnanais ng mga kabataan para sa kinabukasang makatarungan, makatao, at para sa lahat.

Taliwas sa kasalukuyang paglala ng krisis ng atrasadong ekonomya at preindustriyal na bansa, taglay ng kasalukuyang henerasyon ng kabataan ang optimistikong pagtanaw sa kinabukasan na posible ang pagpawi ng pang-aapi, pagsasamantala, at kahirapan. Dahil dito, mataba ang lupa para sa pagsusulong ng mga kabataan ng demokratikong rebolusyon ng mamamayan para sa dalawang yugto ng tunay na pagbabago ng lipunan.

Ang pagpapanalubong ng krisis ng isang malakolonyal at malapyudal na lipunan ay naglalatag ng kundisyon para sa kabataan at mamamayan na sistematikong resolbahin at solusyunan ang tunay na sakit ng lipunan.

Dahil sa inkapasidad ng kasalukuyang sistema, tunay na imposible nang harapin ang usapin ng kabataan at mamamayan ng isahang panig. Nagiging malinaw na ngayon na upang ibsan ang pagdurusa ng sambayanan, tanging nasa landas ng pagsawata at pagbabago sa sistemang nagluwal ng rehimeng Duterte, nakakahawang virus, malaganap na kahirapan, palpak na distance learning, at lampas isang taong pagkakakulong ng lahat sa kani-kanilang tahanan ang landas na dapat tahakin ng kabataan at mamamayan.

Hamon sa mga rebolusyonaryong kabataan ng Timog Gitnang Luzon: Huwag magpagapi! Isulong ang rebolusyon!

Paulit-ulit na pinatunayan ng karanasan na ang rebolusyon ay hindi isang piging kundi isang buhay-at-kamatayang pakikibaka para sa paghulagpos ng proletaryado at masa ng sambayananlaban sa pagsasamantala at pang-aapi. Ang paglahok dito ay isang dakilang bokasyon ng sino man kung saan pinapauna ang interes ng masa, ng rebolusyon, at ngPartido kaysa sa pansariling makitid na interes kung saan nililipos ang walang pag-alinlangangpagsakripisyo at ganap na paglilingkod sa nakararami. Sa gitna ng kahirapan ng pagkilos, panganib, at pinsala sa atake ng kaaway at sa masalimuot na pansariling kontradiksyon na kinakaharap ng buhay-rebolusyonaryo, dapat tayong magpakakatatag, pag-alabin ang diwang mapanlaban at huwag manlumo at patuloy sa puspusang paggampan ng mga tungkulin.

Higit sa lahat, kailangang ibayong konsolidahin ang ating hanay sa pamamagitan ng pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, puspusang pagwawasto sa mga kamalian, at Sa pamumuno sa pakikibaka ng masa habang wastong pinakikitunguhan ang papatinding atake ng kaaway. Sa gayon lamang tayo makakabante sa mas mataas na antas ng pagsulong at sa gayong pagtingin, ang mga pag-atras ay pansamantala lamang.

Hinding-hindi tayo magpapagapi!

Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Leave a comment