Mapagpasyang armadong paglaban ang muling bibigo sa kampanyang final blow ni Brawner at ng Phil. Army!

Nagkakamali ang Bagong kumander ng Philippine Army na si Romeo Brawner Jr., sa pag-aakalang tuluyan nang madudurog ang rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan. Nabigo ang mga nauna sa kanya noon, tiyak din silang mabibigo ngayon.

Hindi kahina-hinalang ang mga pinakapusakal na katulad ni Brawner ang itinalaga ni Duterte upang itulak ang gerang mapanupil ng rehimen sa pinakasukdulan nito. Siya at ang 4th ID Ang responsable sa walang dangal na pagpaslang kina Jorge “Ka Oris” Madlos at Ka Pica nitong Oktubre. Bilang kumander ng 4th ID, itinulak rin niya ang kampanyang sumuko o mamatay na nagresulta sa pinatinding paglulunsad ng pambubomba mula himpapawid at pamamaslang sa Hilagang Mindanao.

Pinangunahan niya rin at ng 103rd Brigade ang malawakang pangwawasak sa Marawi na kumitil sa libu-libo. Sa ilalim rin ng kanyang paninilbihan bilang Commandant of Cadets ng Philippine Military Academy nangyari ang ilang kontrobersyal na insidente ng hazing. Isa rin siya sa naging utak ng pinaigting na kampanyang disimpormasyon at panlilinlang ng militar matapos umupo bilang hepe ng AFP Public Affairs Office.

Ang notoryoso at berdugong reputasyong ito ang bitbit ni Brawner sa umano’y kampanyang final blow o huling bira ng rehimen laban sa CPP-NPA-NDF. Ang kampanyang huling bira na ito ay walang iba kundi ang pinakadesperadong yugto ng makailang ulit nang nabigong pakana ng rehimeng US-Duterte na durugin ang kilusang masa at rebolusyonaryong kilusan. Katumbas ito ng pinarami pang teroristang pambubomba ng mga eroplanong pandigma ng militar, pokusadong operasyong kombat at okupasyong militar. Sa katunayan, ang idiniin niyang KKK sa hanay ng kanilang pwersa (kasanayan ng tropa, kalusugan at kapakanan ng pamilya) ay pakana upang ibayong hubugin ang militar bilang mga asal-hayop na kriminal at ihanda sila sa marami pang gasgasang labanan.

Sa Bikol, nangangahulugan ito na hihigitan pa ng militar ang walang kaparis na kampanya ng militarisasyon, pamamaslang, pekeng pagpapasuko at pang-aatakeng ipinatupad sa rehiyon ng mga nagdaang kumander ng Phil. Army.

Subalit hindi nito mapatitiklop ang mamamayang Bikolano. Sa halip, hudyat ito para sa kanila na pag-ibayuhin pa ang rebolusyonaryo at makatarungang armadong pakikibaka bilang natatanging sandata upang biguin ang teroristang pananalasa ng estado sa ilalim ni Duterte.

Kaugnay nito, nananawagan ang Romulo Jallores Command – Bagong Hukbong Bayan sa mamamayang Bikolano at sa lahat ng yunit ng Pulang Hukbo na paghandaan at ubos-kayang labanan ang papatinding atakeng militar ng rehimeng US-Duterte. Dapat nilang pag-ibayuhin ang paglulunsad ng mga taktikal na opensibang magpaparusa sa mga berdugong kriminal ng estado, bibigo sa maruming gera ng rehimen at tiyak pang maglalantad sa terorista at bulok na kaibuturan ng reaksyunaryong estado at pwersa nito. Sa lahat ng ito, nananatiling nasa kanilang panig ang katwiran, karanasan at kasaysayan.

Leave a comment